105
Palasyo kay Andaya: ‘Wag kang mag-abogado sa mga contractor!
By

Palasyo kay Andaya: ‘Wag kang mag-abogado sa mga contractor!

Pinagsabihan ng Malacañang si Congressman Rolando Andaya na huwag mag-abogado sa mga contractor na hindi umano nabayaran ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi niya nakikita ang koneksiyon sa ipinag-iingay ni Andaya na may utang umano na P100 bilyon ang gobyerno sa ilang pribadong contractors dahil sa korapsiyon sa Department of Budget and Management.

Ayon kay Panelo, kung mayroong reklamo ang mga contractor kaugnay sa “Build, Build, Build” program ng gobyerno, dapat sila ang magreklamo sa ahensiyang may-ari ng proyekto o kaya sa Department of Public Works and Highways.

“Congressman Andaya cannot be lawyering to these contractors. If the contractors have something to complain, they should themselves file the complaint, and addressed their concerns to the respective department or to the Department of Public Works,” ani Panelo.

Iginiit pa ng kalihim na kung sakaling may hindi nabayarang contractor, posibleng hindi nakumpleto ang trabaho ng mga ito dahil may polisiya ang gobyerno na hindi babayaran ang hindi nakumpletong proyekto o kaya ay hindi nakatugon sa deadline para matapos ang trabaho.

“Malabo yata ‘yon. Bakit magkakautang ang gobyerno dito sa mga contractor dahil sa corruption? Parang walang koneksiyon eh. Magkakaroon ng connection ‘yung mga contractor kung may inilalagay sila para makuha sila. Pero ‘yung ang gobyerno ang may utang sa kanila, hindi ko malaman papaano, walang koneksiyon sa corruption. Kung hindi nababayaran, siguro incomplete yung ginawa nila,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?