61

Dec 16, 2017 @ 15:44
By

Palasyo, hindi uurong sa Federalismo – Andanar

Walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi ang isinusulong na Federalismo sa kabila ng malamig na pagtanggap ng mga Pilipino lalo na ang mga Pinoy na nasa ibang bansa.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nakausap niya si Pangulong Duterte hinggil sa isyu ng Federalismo at sinabi nito na ituloy ang pagsusulong nito.

Kailangan aniya ang pinaigting na information drive para maintindihan ng mamamayan ang layunin at bentahe nito.

Sinabi ni Andanar na kailangan ang tulong ng mass media para maipaabot at maipaintindi sa mamamayan kung ano ang Federalismo.

“Tinanong ko ang Pangulo kung ano ang dapat nating gawin sa Federalism, at sabi niya dapat ituloy ito. Dapat ituloy ‘yung information drive para maintindihan ng ating mga kababayan,” ang pahayag ni Andanar.

Binigyang-diin ng kalihim na ang Federalismo ay bahagi ng plataporma ni Pangulong Duterte noong panahon ng kampanya kaya’t itutuloy ang pagsusulong nito.

“Ang Federalism was part of the President’s platform of government during the campaign, and we will continue to push for Federalism. Alam naman natin that we have to go through the processes, we have to go through Congress and we have to go through a plebiscite for the people to approve this,” dagdag pa ni Andanar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?