20

May 21, 2021 @ 16:23
By

Palasyo hindi susukuan 17% ayaw magpabakuna

Hindi titigil ang Malacañang sa pagkumbinsi sa 17% ng mga Pilipino na may agam-agam na magpaturok ng anti-COVID vaccine.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng survey ng Social Weather Stations kung saan 51% sa mga Pilipino ay kumpiyansa sa COVID-19 vaccine, 32% ang hindi pa sigurado at 17% ang hindi nagtitiwala sa mga bakunang ginagamit ng gobyerno.

Sinabi ni Roque na hindi nila susukuan ang 17% na mga Pilipino hanggang sa makumbinsi ang mga ito na magtiwala sa ginagawa ng gobyerno para sa kanilang kaligtasan.

“Doon sa 17% hindi pa rin po tayo maggi-give up diyan dahil importanteng lahat ng mga Pilipino ay mabakunahan,” ani Roque.

Ikinatuwa ng Palasyo na umakyat na sa 51% ang may kumpiyansa sa bakuna kontra COVID-19 na aniya ay impluwensiya ito ng mga kapitbahay na nakapagpabakuna na.

Sinabi ni Roque na maglulunsad sila ng malawakang infomercial para maipaintindi sa publiko ang importansiya ng bakuna sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19 sa mga Pilipino.

“Well nagagalak po kami na tumaas na po ang ating vaccine confidence to 51%”. Yung 30% ang dapat kumbinsihin pa,” dagdag ni Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na lahat ng mga ibinibigay na bakuna ay ligtas at dumaan sa masusing pagsusuri bago binigyan ng emergency use authorization kaya dapat alisin ang mga pagdududa dahil ito ay proteksiyon laban sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?