13

Sep 28, 2020 @ 21:47
By

Palasyo hindi nagpabaya sa 7M Pinoy na nakaranas ng gutom

Ikinalungkot ng Malacañang ang survey ng Social Weather Stations (SWS) na 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom sa loob ng nakalipas na tatlong buwan dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ito ang dahilan kaya binubuksan na nila ang ekonomiya para mapababa ang mga nagugutom na Pilipino.

“Nakakalungkot itong balitang ito kaya nga po tayo nagbubukas ng ekonomiya para mapababa iyong numero lalong-lalo na ng mga nagugutom,” ani Roque.

Hindi aniya nagpapabaya ang gobyerno lalo na sa pagtulong sa mamamayan kaya unti-unti nang binubuksan ang operasyon ng mga trabaho at pagbibigay ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho.

Sinabi ni Roque na naiintindihan niya ang sitwasyon ng maraming Pinoy kaya nakikiusap ang gobyerno sa sambayanan na panatilihin ang ipinatutupad na mga health protocol para makapagtrabaho kahit hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID sa bansa.

“Hindi naman po tayo pabaya doon sa obligasyon ng estado na magbigay ng tulong. Nagbibigay po tayo ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng programa ng DOLE, iyong COVID-19 adjustment program at saka ‘yung TUPAD, iyong cash for work program,” dagdag ni Roque.

Batay sa SWS survey, 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom, ito ang pinakamataas na naitala simula noong 2014.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?