41

Apr 27, 2020 @ 18:30
By

Palasyo: Hindi nagamit sa 2019 budget P77B lang, hindi P900B

Nilinaw ng Malacañang na may P77 bilyon na hindi naipalabas na pondo mula sa 2019 budget.

Taliwas ito sa naging pahayag ni Senador Panfilo Lacson na mayroong P900 bilyon na hindi nagamit na pondo noong nakalipas na taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na batay ito sa pahayag ni Department of Budget Secretary Wendell Avisado matapos i-validate ang naging pahayag ng senador.

Inaalam na aniya ni Avisado sa mga ahensiya ng gobyerno kung ano pang mga pondo ang maaaring magamit para sa ibang layunin, na maaring magamit sa pagharap sa krisis sa COVID-19.

“Ang total unreleased budget for 2019 budget is 77 billion pesos , not 900 billion sabi ni Secretary Avisado, at siya po ay nagpadala ng memorandum sa lahat ng ahensiya at tinatanong kung ano pa ang mga “uncommitted ” funds , yung pupuwede para magamit sa ibang purpose. Ang deadline ay katapusan ng Abril,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na hintayin na lamang ang katapusan ng buwan para malaman kung ano pang mga pondo na maaaring i-realign, mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Kaugnay naman sa mungkahi ng ilang mambabatas na gamitin ang P84 bilyon na umano’y pork insertions na iginarahe sa Department of Transportation at Department of Public Works and Highways, sinabi ni Roque na bahala na si Secretary Mark Villar na magpasya kung ire-realign niya ang pondong nakalaan sa mga proyekto ng mga kongresista at mga senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?