343
Palasyo hindi na ikinagulat ang ‘Oust Duterte plot’
Apr 22, 2019 @ 14:30
By

Palasyo hindi na ikinagulat ang ‘Oust Duterte plot’

Inilabas ng Malacañang ang matrix ng mga journalist na nasa likod umano ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang matrix ng mga journalist ay konektado sa nagpakilalang “Bikoy” na naglabas ng narco video kung saan isinasangkot si Pangulong Duterte at pamilya nito sa sindikato ng iligal na droga.

Ayon kay Panelo, ang matrix ay nagmula mismo sa tanggapan ng Pangulo subalit hindi nito batid kung sino ang source ni Pangulong Duterte.

Marami aniyang mapagkukunan ng impormasyon si Pangulong Duterte kaya nakuha nito ang mga nasa likod ng plano.

“The source of that is from the Office of the President. From the President himself. I don’t know how he got one but its coming from the President. I talked to him the other day. You must remember that the President has so many sources so he got this matrix from one of his sources,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na hindi na siya magtataka kung mayroon talagang Oust Duterte plot dahil ang mga ito ang patuloy na naninira kay Pangulong Duterte, patunay dito ang pattern ng mga lumalabas na fake news mula sa mga anti-Duterte journalist.

“I’m not even surpised that there is such a plot. If you noticed this has been going on, the pattern is clear, false news then transfers to another and it circulates so I’m not surprised at all,” dagdag pa ni Panelo.

Niliwanag ng kalihim na hangga’t walang actual execution ng oust Duterte plot ay hindi kikilos ang pamahalaan para kasuhan ang mga personalidad na nasa likod ng oust Duterte matrix.

Tiniyak naman ni Panelo na nakatutok ang mga awtoridad sa alinmang grupo o personalidad na nagbabalak ibagsak ang gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?