40

Aug 17, 2020 @ 14:41
By

Palasyo: Hindi doktor si Gadon

Kinontra ng Malacañang ang paniniwala ni Atty. Larry Gadon na hindi epektibo ang paggamit ng face mask laban sa COVID-19.

Ito ay matapos mag-trending sa social media ang larawan ni Gadon kung saan naka-tape sa face shield nito ang face mask dahil hindi naniniwala ang abogado na napipigilan ng face mask ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi naman doktor si Gadon at personal opinyon lamang niya ang tungkol sa paggamit ng face mask.

“Hindi naman kasi doctor si Larry Gadon. Let that be his personal opinion,” ani Roque.

Binigyang-diin ni Roque na mismong ang mga eksperto ang nagsabing malaking tulong ang paggamit ng face mask at face shield para hindi matamaan ng COVID-19.

“Ang mga duktor, ang mga dalubhasa ang nagsasabi na ang pagsusuot ng maskara can reduce the risk of acquiring the disease by as much as 85% , kung sasamahan pa yan ng face shield almost 90 plus percent ang probability na mapoprotektahan tayo laban sa COVID,”dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na huwag ng hintaying matamaan ng COVID-19 dahil ang buong mundo ay gumagamit ng face mask at face shield at iba pang uri ng pag-iingat para makaligtas sa bagsik ng nabanggit na sakit.

“Sana huwag na tayong maghintay na tayo ang magiging susunod na biktima. Alam na po sa buong mundo na epektibo ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pagso-social distancing,” wika pa ni Roque.

Nauna rito ,inihayag ni Gadon na nag-over react lamang ang gobyerno sa COVID-19 at tinawag na paranoia ang utos na kailangang gumamit ng face mask ang mga tao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?