138

Jul 29, 2019 @ 18:50
By

Palasyo hanap solusyon sa mga naapektuhan sa pagsara ng lotto, Keno

Naghahanap na ng solusyon ang gobyerno kung paano matulungan ang mga manggagawa ng lotto outlet at Keno na natigil ang trabaho dahil sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang lahat ng online gaming ng Philipine Charity Sweepstakes Office.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na naiintindihan nila ang nararamdaman ng maliliit na lotto operator kaya tinitingnan aniya kung ano ang maitutulong sa mga ito.

“Naiintindihan natin ang sitwasyon on the ground, nadamay yung mga maliliit na kababayan dahil sa kagagawan ng mga unscrupolous dito. Pero aasahan po ninyo na maghahanap tayo ng solusyon na makakatulong sa ating mga kababayan,” ani Nograles.

Kailangan din aniya na magbigay ng solusyon at rekomendasyon ang mga opisyal ng PCSO para matulungan ang mga maliliit na lotto operator.

“Naintindihan natin yung sitwasyon. Kaya ‘yung mga opisyales ng PCSO ang dapat na magbigay ng solusyon at rekomendasyon kay Pangulong Duterte,at pag-aaralan ito,” dagdag pa ni Nograles.

Pero binigyang-diin ng kalihim na hindi dapat na mabalewala ang anti-corruption drive ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Nograles na hindi sineryoso ng mga opisyal ang warning ni Duterte kaya nasagad na ito na naging dahilan para ipag-utos ang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng uri ng online games ng PCSO.

“Matagal ng nagwa-warning si Pangulo diyan at tila hindi sila nakikinig sa mga warning ng Pangulo kaya kailangan niya talagang pumasok dito at itigil ang lahat ng ito,” wika pa ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?