19

Jun 5, 2021 @ 16:25
By

Palasyo hahagilap ng pondo para sa Bayanihan 3

Problemado ang ehekutibo kung saan kukunin ang pondo para sa Bayanihan 3 na ipinasa sa Kamara.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na nakikiisa sila sa layunin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na makatulong sa pagbangon ng bansa sa epekto ng COVID pandemic subalit ang problema aniya ay kung may sapat bang pondo ang gobyerno para rito.

Sa ilalim ng Bayanihan 3 to Arise As One Bill o Bayanihan 3 relief bill, kailangan ang pondong P401 bilyon para magsilbing lifeline ng milyon-milyong Pilipinong nagdurusa dahil sa gutom at kawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Sinabi ni Avisado na nakatakdang magpatawag ng pulong si Finance Secretary Carlos Dominguez para mapag-usapan kung saan makakakuha ng pondong pantustos sa Bayanihan 3.

“Kami po nakikiisa sa layunin ng Kongreso. Ang isyu nga lang po ay do we have enough funds to support it. Kaya po magpapatawag pa po ng meeting si Secretary Sonny Dominguez at pag-uusapan namin kung saan talaga makalikom o makakalap upang masuportahan iyang ipinasa ng Kongreso,” ani Avisado.

Sa ilalim ng Bayanihan 3, ipinanukala ang implementasyon nito sa tatlong bahagi: Unang phase ay popondohan ng P165.9 billion; ikalawang phase ay P186 billion at ikatlong phase ay P48.6 billion.

Nakapaloob sa phase 1 at phase 2 ng Bayanihan 3 ang tulong pinansiyal na tig-P1,000 sa bawat mahihirap na Pilipino na sa kabuuan ay P2,000.

Kasama rin sa Bayanihan 3 ang tulong para sa mga mahihirap, walang trabaho at ang mga nawalan ng pagkakitaan dahil sa epekto ng COVID pandemic.

Naglaan din ang mga mambabatas ng P54.6 bilyon sa Bayanihan 3 para pondohan ang pensyon ng mga retiradong sundalo at pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?