108

Jul 25, 2019 @ 19:41
By

Palasyo: Ex-GSIS chief sinibak, hindi nag-resign

Iginiit ng Malacañang na sinibak si dating Government Service Insurance System (GSIS) chief Clint Aranas dahil sa pagbebenta umano nito ng government-owned properties nang hindi aprubado ng ehekutibo, pati na ang pagbibigay ng malalaking insentibo na hindi rin aprubado ng Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi mismo ni Pangulong Duterte na sinibak niya si Aranas dahil sa pagbebenta ng 67-hectare port area property na kasalukuyang inookupa ng International Container Terminal Services Inc.

Taliwas ito sa naging pahayag ni Aranas na nag-resign ito, patunay ang ipinadala nitong resignation letter sa Malacañang.

Naibenta umano ang Port Area property ng P33.6 billion sa kabila ng pagtutol at hindi pagsuporta ng GSIS Board at maging ni Finance Secretary Carlos Dominguez.

Tinangka rin umano ng dating opisyal na patalsikin ang operator ng Sofitel Manila dahil sa hindi pagbabayad sa pension fund gayong ginagamit ng hotel ang dalawang GSIS properties.

Bukod sa pagbebenta umano ng lupain sa Port Area ay namigay din si Aranas ng tig-P100,000 na insentibo sa may 2,615 empleyado ng GSIS noong 2018 nang walang approval ni Pangulong Rodrigo Duterte at DBM.

Batay sa report ng Commission on Audit, kabuuang P260.5 million ang ipinamigay ni Aranas na illegal incentives sa mga empleyado ng GSIS.

Matatandaang inupakan ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA noong July 22 ang corruption sa mga GOCC na isa pa rin sa pangunahing problema ng administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?