22

Sep 28, 2021 @ 15:17
By

Palasyo: Duterte walang malalabag na batas sa pagtakbong VP

Hindi labag sa batas ang pagtakbo sa pagka-bise presidente ng isang nakaupong pangulo ng bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations na 60% ng adult Filipinos ay naniniwalang labag sa Konstitusyon ang pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na abogado ang Pangulo at alam nito kung may malalabag siya o wala sa kanyang plano sa darating na eleksiyon.

“Sa tingin po ng Presidente at maraming mga abogado kasama na ako dun, wala pong lalabagin sa Saligang Batas kung siya ay tatakbo sa pagka-bise presidente,” ani Roque.

Nakikinig aniya si Pangulong Duterte sa pulso ng mamamayan kaya hintayin na lamamg kung ano ang magiging pinal na kapasyahan nito sa kanyang planong pagtakbo sa darating na eleksiyon.

“Ang Presidente ay nakikinig sa pulso ng taongbayan, sensitibo ito sa pananaw ng mga tao, at antayin na lang natin ang kanyang pinal na desiyon,” dagdag ni Roque.

Hinikayat ni Roque ang ibang mga abogado na maglabas ng opinyon hinggil sa vice presidential bid ng Presidente kung inaakala ng mga ito na bawal ito sa batas.

Pero sinabi ni Roque na sa kanyang pananaw bilang abugado, walang batas sa Konstitusyon na nagbabawal tumakbo ang isang nakaupong Pangulo sa ibang posisyon sa gobyerno.

“Abogado naman ang Presidente at ang importanteng magkaroon ng opinyon ang ibang mga abogado. Sa tingin niya hindi po yan labag sa Saligang Batas kasi walang express prohibition, and therefore it is allowed,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?