26

Jan 11, 2022 @ 16:38
By

Palasyo: Duterte gusto lang protektahan mga ‘di bakunado

Iginagalang ng Malacañang ang pananaw ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi dapat maharap sa diskriminasyon ang mga hindi bakunadong mamamayan.

Sa harap ito ng aksiyon ng local government units na huwag papasukin sa mga establisyimento ang mga hindi bakunadong indibiduwal at magpatupad ng paghihigpit laban sa mga ito.

Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na nirerespeto ng Palasyo ang posisyon ni Mayor Sara pero kinakailangan din aniyang protektahan ang mga ito laban sa peligro ng COVID-19.

Binigyang-katuwiran ni Nograles na nais lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na maprotektahan ang mga hindi bakunado para sa kaligtasan ng mga ito.

“The President is trying to protect the unvaccinated from harm. Somas father of the nation, the President is only trying to protect the unvaccinated and this is for the common good,” ani Nograles.

Sinabi ng kalihim na malinaw naman sa datos ng Department of Health (DOH) na ang mga pasyenteng kritikal at malubha ang kalagayan dahil sa COVID-19 ay yaong mga hindi bakunado kaya nais ng Presidente na mabakunahan lahat ang mga Pilipino para makaiwas sa peligro ng mabagsik na virus.

” Nakikita naman natin sa datos na iyong kapag unvaccinated, mas mataas ang chances na magiging severe or critical COVID iyong mga unvaccinated,” dagdag ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?