128

Nov 2, 2017 @ 19:12

Palasyo dumistansiya sa kontrobersiya sa SSS

Ayaw manghimasok ng Malacanang sa nabunyag na anomalya sa Social Security System (SSS) na kinasangkutan ng apat na matataas nitong opisyal.

Sinabi kahapon ni acting Presidential spokesman Harry Roque, pinaimbestigahan na ni SSS Chairman Amado valdez ang natuklasang irregularidad kayat hayaan munang umusad ang imbestigasyon laban sa mga sangkot na opisyal.

Wala aniyang dapat na ipag-alala ang mga miyembro ng SSS dahil hindi kasama ang kanilang kontribusyon sa nabunyag na anomalya.

Apat na opisyal lamang aniya ang sangkot sa SSS anomaly at masisibak at mahaharap ang mga ito sa kaso sa sandaling napatunayang nagkasala ang mga ito.

“Chairman Valdez has ordered an investigation. There will be prosecutions, there will be people who will be fired and criminal charges filed if warranted,” ang maikling pahayag ng kalihim.

kasabay nito dinipensahan ni Roque si Valdez sa pagsasabing walang pagtatangkang pagtakpan ang nabulgar na anomalya, dahil siya mismo ang naglantad sa mga ito, patunay na hindi kinukunsinti ang ang mga opisyal na gumagawa ng kalokohan.

Kabilang sa mga opisyal ng SSS na diumano ay nasasangkot sa profiteering sa pamamagitan ng paggamit ng stockbrokers ng ahensiya para sa kanilang personal na interes ay sina SSS exec vice- president for investments Rizaly Capulong, Equities division chief Reginald Candelaria, Equities product development head Ernesto Francisco jr at chief actuary George Ongkeko. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?