236

Oct 19, 2020 @ 15:44
By

Palasyo dumistansiya sa isyu ni Pialago

Dumistansiya ang Malacañang sa isyu ng pagiging “insensitive” umano ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago kaugnay sa sitwasyon ng aktibistang si Reina Nasino na namatayan ng anak.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na personal na opinyon ni Pialago ang naging pahayag nito sa kanyang social media account kaya hindi siya magkokomento dito.

Wala namang aniyang kaugnayan ito sa trabaho ni Pialago sa MMDA kaya hahayaan siya sa kanyang personal na opinyon.

“Tingin ko personal na opinyon na ‘yan, hindi naman kasi related sa MMDA ‘yang issue na ‘yan. Hayaan po natin na magkaroon ng personal na opinyon si Spokesperson Pialago,” ani Roque.

Kinatigan naman ni MMDA General Manager Jose Garcia ang pahayag ni Roque na nagsabing personal opinyon ito ng kanyang Assistant Secretary at hindi posisyon ng ahensiya.

“Katulad nga ng sinabi ni Secretary Roque, ito ay personal opinion niya at hindi po MMDA,” ani Garcia.

Kasabay nito nilinaw ni Garcia na wala silang 70 empleyado na administrator ng MMDA Facebook page o kaya ay sariling social media account administrator ni Pialago.

Limitado lamang aniya sa dalawa ang staff ni Asec. Pialago at ito ay ang kanyang sekretarya at executve assistant.

“Hindi po MMDA employees ‘yan. I don’t know kung saan nanggaling ‘yang 70 na ‘yan, pero definitely under sa office ko si Asec. Pialago wala po ‘yang ganyang staff. Ang staff niya lang ay isang secretary at EA niya, ‘yan lang ang staff niya as a spokesperson,” dagdag pa ni Garcia.

Umani ng mga batikos at banat si Pialago sa social media matapos mag-post sa kanyang Facebook account na tila ginagawang drama serye ang isyu sa namatay na sanggol ng detenidong aktibista na si Nasino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?