246

Apr 28, 2021 @ 17:48
By

Palasyo duda sa paramdam ng Amerika sa WPS

Duda ang Malacañang sa paramdam ng Estados Unidos na abisuhan lamang sila sakaling hindi na kaya ang problema sa West Philippine Sea (WPS) .

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dalawang beses nang naagawan ng isla ang Pilipinas ng China subalit wala namang naging aksiyon ang Amerika at hindi sila sumaklolo noong mga panahong nakuha sa Pilipinas ang Mischief Reef at Panatag o Scarborough Shoal.

Ikinatuwiran aniya na hindi manghihimasok ang Amerika sa mga pinag-aagawang teritoryo sa WPS kaya hindi dapat na umasa rito.

“Dalawang beses na tayong nawalan ng isla eh hindi naman gumalaw ang Estados Unidos. Ano ang naging mga pronouncement ng Amerika, hindi sila manghihimasok sa pinag-aagawang teritoryo,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na malapit sa Amerika nang makuha ng China ang Panatag Shoal subalit walang nagawa ang Amerika.

Sinabi ni Roque na ang Amerika pa ang nagpayo sa Pilipinas na umalis sa binabantayang isla matapos magkaroon ng stand-off sa China na sinunod naman ng Aquino administration kaya nawala ang isla.

“Wala namang ginawa ang Amerika, nagkaroon nga tayo ng stand-off, eh ang sabi ng Amerika umalis na kayo diyan para walang gulo; umalis tayo at hindi naman umalis ang Tsina,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?