14

Oct 8, 2021 @ 16:27
By

Palasyo: Drug war record isasapubliko

Ilalabas sa publiko ang record sa kampanya kontra iligal na droga sa sandaling matapos ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).

Ito ang tiniyak ng Malacañang kasunod ng hirit ng International Criminal Court (ICC) na dapat makita ang magiging resulta ng imbestigasyon ng DOJ para ma-evaluate ito sa harap ng nakasampang reklamo laban sa Duterte administration.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang itinatago sa imbestigasyon ng DOJ at kapag natapos at kinakailangang magsampa ng kaso sa korte ay magiging pampublikong dokumento na ito.

Per nanindigan ang Palasyo na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas kaya hindi sila maaaring makialam sa mga panloob na usapin sa bansa.

“Wala pong itinatago yung imbestigasyon ng DOJ dahil kapag natapos po ang imbestigasyon at kinakailangang magsampa ng kaso,isasapubliko po lahat iyan dahil lahat ng isinasampang records sa ating hukuman ay public documents,” ani Roque.

Nanindigan ang Duterte administration na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas dahil hindi na miyembro ang gobyerno matapos mag-withdraw sa Rome Statute.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?