8
Roque
By

Palasyo dedma sa hirit na umento sa sahod ng private workers

Sharing is caring!

Walang plano ang Malacanang na hilingin sa Kongreso na ipasa at ipatupad ang matagal ng hinihinging across the board wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa harap na rin ito ng panawagan ng mga obrero na bigyan din sila ng gobyerno ng kaunting pag-asa kagaya ng ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtataas sa sahod ng mga pulis at sundalo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mayroong sistemang umiiral sa gobyerno na ang Regional Wage Boards (RWG) na ng Department of Labor and Employment ang nagtatakda ng dagdag o umento sa sahod ng mga nagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya.

Kung nais aniya ng mga obrero ng umento sa sahod, hinimok ni Roque ang mga ito na maghain ng petisyon para sa mas mataas na take-home pay.

“Meron po tayo ngayong sistema na Regional Wage Boards. Kung nais po nating magpetisyon para sa mas mataas na daily wage, puwede pong gawin yan sa mga Regional Wage Boards,” ang maiksing pahayag ni Roque.

Matatandaang matagal ng inaasam ng mga manggagawa sa pribadong sektor ang across the board wage increase subalit hindi nakakalusot sa kongreso dahil maraming mga mambabatas ang may-ari ng mga pribadong kumpanya.

Sa kasalukuyan ay P512 ang minimum wage na tinatanggap ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod sa bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?