3

Sep 24, 2020 @ 15:53
By

Palasyo dedma sa hirit na putulin US aid sa ‘Pinas

Hindi natinag ang Malacañang sa hirit ng isang mambabatas sa Amerika na putulin na ang ibinibigay na police at military aid sa Pilipinas dahil sa umano’y mga napapaulat na mga kaso ng paglabag sa human rights sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kumpiyansa ang gobyerno na marami pang prosesong pagdadaanan ng panukala ni Pennsylvania Rep. Susan Wild bago ito makalusot sa US Congres.

Naniniwala aniya ang gobyerno na mas nakikita ng US State Department at ng Trump administration ang importansiya ng patuloy na kooperasyon ng Pilipinas at Amerika.

“That’s a very wild suggestion. Kampante po kami na ang State Department at ang administrasyon ni President Trump ay nakikita ang halaga ng patuloy na kooperasyon sa parte ng Estados Unidos at Pilipinas,” ani Roque.

Bahala na aniya ang US Congress kung papatulan ang resolusyon ni Wild basta ang gobyerno ay kumpiyansang mas magiging matimbang pa rin sa gobyerno ni US President Donald Trump ang pagiging partner ng Amerika sa Pilipinas.

“Hayaan na po natin yan, personal opinyon yan ni Congresswoman Wild. Hindi natin pinanghihimasukan yung mga desisyon ng soberanyang bansa. Kampante tayo na sa tingin ko kinikilala naman ng Estados Unidos ang halaga ng Pilipinas sa pagiging partner pagdating sa usapin ng national security,” dagdag ni Roque.

Ang bill na tinawag ni Wild na “Philippine Human Rights Act” ay humihiling sa Kongreso na ipatigil ang US funding para sa pulis at militar ng Pilipinas dahil aniya sa human rights abuses sa bansa, patunay dito ang bagong anti-terror law na na ang target umano ay mga kalaban ng Duterte administration.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?