772

Apr 23, 2019 @ 14:57
By

Palasyo dedma sa bintang na gawa-gawa ang matrix sa ‘Oust Duterte plot’

Hindi pinansin ng Malacañang ang depensa ng ilang journalist na gawa-gawa lamang ang matrix na nag-uugnay sa kanila sa “Oust Duterte plot”.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) chief Martin Andanar, hintayin na lamang kung ano ang susunod na hakbang matapos pangalanan sa matrix ang mga mamamahayag na umano’y kabilang sa mga nagpaplano para ibagsak amg Duterte administration.

Ayon kay Andanar, nasa Department of Justice na kung iimbestigahan ang inilabas na impormasyon.

“Tingnan natin kung ano iyong susunod na hakbang, kung ito ba’y iimbestigahan ng DOJ, ng kanilang forensic, ng cyber crime laboratory para talagang ano,” ani Andanar.

Hindi aniya dapat ipagtaka kung bakit mabilis na natukoy ang nagpakilalang “Bikoy” sa narco video dahil may pamamaraan ang National Bureau of Investigation para masundan ang mga ganitong digital footprint.

Maging ang National Intelligence Coordinating Agency ay may kakayahang tukuyin ang mga ganitong uri ng paninira laban sa administrasyon.

“Sa mga panahon na ito ay napaka-high tech na ang mga software. Puwede nang sundan ito, lalo na sa internet, kung ano ‘yung mga pupuntahan, kung saan pupunta, iyong mga na-download, mga na-upload. Mayroon nang forensic digital investigation system,” dagdag pa ni Andanar.

Agad na itinanggi ng mamamahayag na si Ellen Tordesillas ang matrix kung saan kasama ang pangalan nito at inihayag na gawa-gawa lamang ito ng Duterte administration.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?