11

Oct 14, 2021 @ 15:33
By

Palasyo: Bakuna para sa masa, mga bata sapat

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi mauubusan ng bakuna kapag sinimulan na ang pagturok sa general population at mga batang edad 12-17.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sapat ang supply ng COVID vaccine para tugunan ang pagbakuna sa general population at mga kabataan.

Sa kasalukuyan aniya ay mayroong 85 million na dumating ngayong buwan at aasahang may mga darating pang COVID vaccines sa mga darating na araw.

“Sa ngayon sapat po dahil hindi po bababa sa 85 million ang dumating nitong buwan na ito. Mas marami pang inaasahan natin dahil hindi pa tapos ang buwan ng Oktubre,” ani Roque.

Ngayong Biyernes ay sisimulan na ang vaccination rollout para sa mga kabataan pero uunahin ang mayroong comorbidities o yaong may mga sakit at oobserbahan sa mga itinalagang ospital kung saan gagawin ang pagbakuna sa mga ito.

Pero sinabi ni Roque na bago mabakunahan ang mga batang may comorbidities ay kailangang dumaan muna ang mga ito sa screening pati na pagsunod sa mga requirement na itinakda ng mga eksperto.

“Kinakailangan mayroong consent ng magulang at ng doktor ng bata na mayroong comorbidity. So doon po muna tayo sa mga mayroong sakit at saka po natin i-expand sa lahat ng kabataan,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?