16

Aug 5, 2021 @ 18:17
By

Palasyo: Ayuda hanggang P1,000 lang

Wala nang aasahang dagdag sa tig-P1,000 na ibibigay na ayuda ng gobyerno para sa mga maaapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ito ang tugon ng Malacañang sa hirit ng ilang mambabatas na maghanap ng puwedeng mapagkunan ng pondo dahil napakaliit ang P1,000 ayuda.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hanggang doon lang ang kaya ng gobyerno sa ngayon at umaasang huling ECQ na ito dahil dumarami na aniya ang nabakunahan.

“Sa ngayon po eh ang ipinapangako lang natin eh isanlibo hanggang four thousand at inaasahan natin na huli na itong ECQ natin dahil tumataas naman po na ang ating numero ng pagbabakuna,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na malapit nang maabot ang 50% target sa mga babakunahan at kapag natapos ang ECQ ay tiwala silang huling lockdown na ito sa National Capital Region.

Binigyang-diin ni Roque na ang COVID vaccine ang magiging susi para makabalik sa normal na buhay ang mga Pilipino.

“Huwag po kayong mag-alala dahil hindi naman po forever na ganito ang buhay natin dahil iyong bakuna nga po, iyan ang susi para sa pagbabalik-buhay natin,” dagdag ni Roque.

Ang pondo para sa P1,000 hanggang P4,000 kada isang pamilya ay huhugutin ng gobyerno mula sa ipon at mga hindi nagamit na pondo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?