303
sotto2
Sep 27, 2018 @ 15:38
By

Palasyo aprub kay Sotto na ibaba sa 13-anyos ang posibleng managot sa batas

Pabor ang Malacañang sa panukala ni Senate President Vicente Sotto III na babaan ang edad ng mga minor offender pero hindi ikukulong.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sapat na maibaba sa edad 13-anyos ang masasakop ng criminal responsibility, at hindi edad 15 na nakasaad sa Juvenile Justice Act ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan.

Ang gusto aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay imbes na makulong ay itu-turn over sa Department of Social Worker and Development (DSWD) ang mga maaarestong menor de edad at hindi ibabalik sa magulang.

“Ang kagustuhan ng Presidente, imbes na ikukulong, ibibigay sa DSWD iyong mga batang nagkakasala. So patuloy po ang reformation ng kabataan, hindi po sila ikukulong; pero mapapanagot naman po dahil nga po dadalhin sila sa kustodiya ng mga pupuwedeng mag-alaga sa kanila ng mas mabuti,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na naaprubahan na ang bersiyon sa Kamara kung saan ibinaba ang edad ng kabataan na maaring arestuhin at kasuhan mula 13-anyos hanggang siyam.

Naniniwala ang kalihim na kung maayos ang pagpapalaki ng mga magulang sa anak ay hindi gagawa ang mga ito ng krimen.

Batay sa panukala ni Sotto, mula edad 15 ay ibababa ng 13 ang maaaring maaresto at mapanagot sa batas habang ang mga edad onse hanggang siyam ay dadalhin sa DSWD Youth Center para mareporma at kalaunan ay i-turn over sa mga magulang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?