61

Sep 7, 2021 @ 19:36
By

Palasyo: 1 grupo ng mga health worker galing sa ibang planeta

Binuweltahan ng Malacañang ang isang grupo ng health workers na lantarang kumokontra sa pamamahala ng mag-amang Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Kasunod ito ng pahayag ng grupong Medical Action Group na wala na umanong karapatan ang mag-ama na tumakbo sa 2022 national elections dahil sa palpak na pangangasiwa sa COVID pandemic.

Nagtataka si Presidential Spokesman Harry Roque kung saang planeta galing ang grupo dahil buong mundo aniya ang sinasalanta ng COVID-19.

Hindi lang aniya ang Pilipinas ang nakakaranas sa pag-atake ng COVID-19 kundi ang buong daigdig.

“Hindi ko po alam kung saang planeta nakatira yang mga health worker na ayaw kay Presidente kasi buong daigdig po ang sinasalanta ng ganitong problema,” ani Roque.

Hindi lamang aniya ang bansa ang nakakaranas ng third wave dahil sa Delta variant na kalat na kalat na sa buong mundo.

Sinabi ni Roque na batid nila ang buhay ng medical frontliners at tinatanaw na utang na loob ang kanilang sakripisyo subalit mayroong maliit na grupong wala talagang magandang sinasabi sa Presidente.

“Mayroon kakaunti na talagang walang mabuting masabi tungkol sa Presidente. Hayaan ninyo silang bumoto ng kanilang presidential candidate and good luck,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?