875

Nov 20, 2021 @ 10:43
By

Palamunin daw ni Bossing? May sarili akong pera – Pingris

Pumalag si retired PBA forward Marc Pingris sa isang basher dahil sa patamang palamunin daw siya ng kanyang biyenan na si Vic Sotto.

Sa promotional video ng Mobile Legends Bang Bang para sa M3 World Championships, binasa ni Pingris ang isang comment kung saan nakasaad na baka raw maging palamunin lang siya ni Bossing dahil nagretiro agad sa basketball.

Tugon ni ‘Pinoy Sakuragi’, “Ako po, start ako mag-basketball, talagang nag-ipon po ako sa future namin ni Danica at mga bata. Hindi po kami umaasa kay Daddy. May sarili po akong pera, may sarili po akong business, dahil pinaghandaan ko po yun. Laki po ako sa hirap, alam ko yung hirap na wala kang makain.”

Isa pang sinagot ni Pingris ay ang basher na kinuwestiyon ang pagiging superstar niya sa PBA.

Wika ni Pingris, “Hindi po ako superstar, role player lang po ako pero may naiambag po ako sa team namin.”

Kasama si Pingris sa 40 Greatest Players ng PBA, nagwagi ng siyam na kampeonato para sa Purefoods franchise, dalawa dito ay siya ang naging Finals MVP.

Bukod pa dito, three-time PBA Defensive Player of the Year din si Pingris, at 15 beses napasama sa All-Star team.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?