5

Jan 12, 2021 @ 15:43
By

Palakasin kumpiyansa ng tao sa vaccination program – Villanueva

Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa gobyerno na magsagawa na malawakang information campaign sa COVID vaccination program para tumaas ang kumpiyansa ng tao tungkol dito.

Ito’y kasunod nang nakaraang survey ng Pulse Asia kung saan 94 porsiyento ng mga Filipino ay nangangamba na mahawa sa COVID-19 at halos kalahati o 47 porsiyento naman ay hindi magpapabakuna kung may mga safety concern para dito habang 21 porsiyento naman ang undecided.

“Ngayong ganito ang pulso ng mamamayan, dapat pong pagtuuan ng pansin ng ating gobyerno ang pagpapataas ng kumpyansa ng ating mga mamamayan sa vaccination program,” pahayag ni Villanueva sa isang statement.

Ayon pa sa senador, hindi rin dapat pinaglalaruan ang mga anunsyo ng gobyerno tungkol dito dahil sigurado umanong tataas lang ang bilang ng mga diskumpyado sa bakuna.

“Dapat rin pong tandaan na ang mga regulasyon at panuntunan ay itinaguyod para protektahan ang buhay ng ating mga mamamayan, kaya dapat sundin ang mga ito hanggang sa huling letra,” sabi ni Villaneuva, chairman ng Senate labor committee.

Nanawagan naman ni Villanueva sa mga opisyal ng pamahalaan na maging mapanuri sa mga salitang binibitiwan lalo na sa usapin ng bakuna.

“Hindi rin po dapat gawing simpleng pagtatalo ang usapan sa bakuna. Hindi po ito kasing simple ng pagpili kung sinong basketball team ang kakampihan natin,” sabi ni Villanueva.

“Hinihiling natin sa ating mga opisyal na maging mas mapanuri sa mga salitang binibitiwan nila dahil buhay ng mga mamamayan ang nakasalalay dito,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?