675

Sep 22, 2019 @ 10:21
By

Palakasan! Mga magsasaka sa Cagayan nadismaya sa NFA

Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang magsasaka sa bayan ng Solana, Cagayan sa National Food Authority-Cagayan (NFA-Cagayan) dahil sa diumano’y pagkakaroon ng palakasan sa pagbili ng palay ng nasabing ahensiya.

Sa naging farmers’ forum kasama ang mahigit isang libong magsasaka, lokal na gobyerno, iba pang ahensiya ng gobyerno at simbahan, inihayag ni Barangay Lannig, Solana chairman Romel Ramces na nagkakaroon umano ng palakasan sa pagbenta ng palay sa NFA sa naturang bayan.

Ayon kay Ramces, sinabihan siya ng isa sa mga kawani ng ahensiya na puno na ang bodega ng NFA kahit pa bihira lamang ang nag-aani ng palay.

Ngunit nang muli aniya siyang bumalik sa NFA-Cagayan para igiit na ibenta ang aning palay ng kanyang kapatid, kanyang nakita na ilang mga malalaking rice trader ang pinapayagan ng ahesiya na magbenta.

Nagbibigay diumano ng pera ang malalaking traders sa ilang kawani ng ahensiya kung kaya’t binibili ang kanilang palay.

Himutok ni Rambes, dagdag-pahirap lamang sa kanilang mga magsasaka ang hindi pantay na pagbili ng palay ng NFA, bukod pa sa implementasyon ng Rice Tarrification Law (RTL).

Nanawagan si Ramces sa ahensiya na bilhin ang kanilang palay para hindi tuluyang malugi ang mga magsasaka.

Samantala, pinayuhan naman ng NFA-Cagayan ang punong barangay na maghain ng reklamo kalakip ng ebidensiya para maimbestigahan umano ng ahensiya.

Mariing giniit ni NFA-Cagayan officer Julie Santo Tomas na hindi kukunsintihin ng ahensiya ang mga nagkasalang empleyado, basta’t may kalakip aniyang patunay ang paratang.

Dagdag pa ni Santo Tomas, hindi tumatanggap ng reklamo ang kanilang ahensiya kung walang basehan.

Gumagawa na rin umano ng hakbang ang NFA-Cagayan para matulungan ang mga magsasaka sa pagkalugi dahil sa RTL.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?