21
spy-on-the-job-rey-marfil
By

Palabigasan?

Sharing is caring!

Dumating na sa wakas at inaasahang maipamamahagi na ang mga inangkat na bigas ng National Food Authority (NFA) mula sa Vietnam at Thailand. Pero ang tanong ka­agad ng a­ting kurimaw na mahilig sa extra rice, gaano kaya katiyak na pakikinaba­ngan ng mga kababayan nating ­kapus-palad ang naturang mga bigas?

Hindi biro ang pondong inilaan sa pag-angkat ng mga bigas na ito na kailangang gawin matapos na masaid ang bigasan ng NFA. Dahil nawala ang mas murang NFA rice, aba’y naging ­tiba-tiba ang mga negos­yante ng commercial rice at may mga nagtaas pa nga raw ng presyo dahil sa lumaki ang “demand” o dumami ang bumibili.

At dahil nagmahal ang bigas, aba’y baka napilitan ang iba na­ting kababa­yan na mahihirap na mag-no rice o less rice diet dahil sa kakaunting bigas na lang ang kayang bilhin ng ­kanilang budget.

Pero kahit dumating na ang imported rice, may mga kababayan pa rin tayo na hindi maiwasang magduda kung sinadya kayang masaid ang biga­san ng NFA para bigyan ng katwiran ang maramihang pag-angkat? Para sa mga tamang hinala pero hindi naman mga adik, may mag-iisip na baka sadyang pina­ubos ang mga NFA rice para magkaroon ng pagkakataon ang mga commercial trader na masolo ang bentahan ng bigas at makapagtaas pa sila ng presyo.

May mga tamang hinala rin na nag-iisip na baka ibinenta ang mga NFA rice sa mga commercial trader na inihahalo sa commercial rice at saka ili­lipat sa ibang sako at saka ibebenta sa mas mahal na presyo. At sa pagdating nga­yon ng mga bagong angkat na NFA rice, hindi na naman mawawala ang mga hinala at pagdududa na hindi kaya mapunta rin sa mga commercial trader ang ilang NFA rice para mabenta rin sa mas mahal na presyo?

Hindi natin masisisi kung may kababa­yan tayo na mag-iisip ng ga­nito dahil halos magkakapareho din naman ang hitsura ng bigas mali­ban na nga lang sa kulay at kung minsan eh may durog. Pero kung ihahalo ang ilang durog o ang hindi kagandahan ang kulay sa mga bigas na mapuputi, at pagkatapos ay ilalagay sa sako na iba na ang pangalan, aba’y anong malay pa ng bibili kung NFA rice ba iyan o commercial rice. Lalo na siguro kapag ginawa mo ‘yang lugaw o sinangag.

Lalo na ngayon na sinasabing maganda ang hitsura at kalidad ng mga bagong angkat na bigas na hindi katulad noon na sinasabing may amoy at durog ang butil.

Ngunit hindi dapat matapos sa pagdating ng mga inangkat na NFA rice ang usapan sa pagka­ubos ng reserbang bigas sa mga bodega. Dapat pa rin sigurong magkaroon ng imbestigas­yon, paghimay at pagsilip sa moni­toring sa pagdispatsa sa mga bigas na ito.

Baka nagkakalimutan na kasi na sa kasagsagan ng sisihan sa pagkawala ng NFA rice sa mga tindahan, may isiniwalat ang kampo ni Cabinet Secretary Jun Evasco Jr. tungkol sa umano’y kaduda-dudang pagdispatsa ng NFA sa mga bigas sa ila­lim ng pamamahala ni Administrator Jason Aquino.

Nang mga panahon na iyon, ang tanggapan ni Evasco ang namumuno sa inter-agency na NFA Council na siyang namamahala sa overall rice policy. Iyon nga lang, inalis na ito nga­yon ni Pangulong Ma­yor Duterte sa poder ni Evasco at ini­lagay na sa Department of Agriculture. Bukod dito, ginawa nang government to go­vernment ang sistema sa pag-angkat ng mga bigas mula sa dating government to private na pinaniniwalaan na mas transparent at hindi delikado sa korupsyon.

Iyon nga lang, wala nang balita mula sa tanggapan ni Evasco tungkol sa kanilang alegasyon laban kay Aquino. Nagkaroon ba talaga ng kalokohan o tamang duda rin lang at epekto ng “power trip” ang alegas­yon? Ang kampo ni Aquino, itinanggi na noon pa ang alegas­yon ng ng mga iregularidad na ibinabato sa kaniya tungkol sa pamamahala niya sa NFA.

Pero ang pinakamaganda pa rin, dapat suriin ng mga kinauukulan ang sistema ng NFA tungkol sa usapin ng pag-angkat at pamamahagi ng mga bigas na malaking tulong sa mga hikahos. Sa ganitong paraan, hindi lang matitiyak na sapat ang ­ating bigas, hindi pa nagagawang palabigasan ang pondo at bigas na para sa masa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?