28

Nov 19, 2021 @ 19:59

Pakiusap ni Ping: Media, publiko maging mapanuri sa kandidato

Malaki ang tyansa ng mga Pilipinong botante na baguhin ang takbo ng kanilang pamumuhay sa darating na halalan kaya naman nananawagan si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na huwag sana nilang sayangin ang pagkakataong ito.

Sa kanyang naging pulong sa mga mamamahayag nitong Huwebes, hinimok ni Lacson ang lahat ng mga nasa larangan ng midya na maging instrumento sana upang matuto ang publiko na kumilatis ng mabubuting pinuno.

Habang papalapit ang eleksyon, nais ng batikang mambabatas na ituon ang atensyon ng mga botante sa paghimay ng mga programang inihahain ng bawat kandidato, hindi sa mga bagay na makapagbibigay sa kanila ng aliw o tulong na panandalian lamang.

“Napakalaki ng role ng media sa pag-educate. Hindi naman kailangan sila na mag-endorse o kaya magpahiwatig kung sino ‘yung kanilang napupusuan o kung sino ‘yung gusto nilang manalo. Pero napaka-importante talaga na ma-educate natin ‘yung electorate nang sa ganoon tumaya sila doon sa kinabukasan nila, hindi doon sa panandalian,” sabi niya.

Ayon kay Lacson, sadyang iniiwasan nila ng running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang uri ng kampanya kung saan idinadaan sa sayawan at kantahan ng ilang mga pulitiko ang kanilang pakikipag-ugnayan sa publiko.

“Pagka kami ay nakikipag-usap, local government officials man o sa harap ng mga kababayan natin, talagang dinadala namin ang usapan sa issues. ‘Pag pinagsasayaw kami, nag-re-refuse kami; ‘pag pinapakanta kami, nag-re-[refuse kami],” kuwento ni Lacson.

Sa gitna ng kabi-kabilang krisis na hinaharap ng bansa dulot ng patuloy na pandemya, naniniwala ang tambalang Lacson-Sotto na hindi ito ang panahon upang idaan sa biro o katuwaan ang magiging takbo ng gobyerno sa susunod na anim na taon.

“‘Yun talaga ang thrust namin ni Senate President, ano, i-elevate ‘yung level ng discourse papunta sa mga issues kasi hindi biru-biro… Extraordinary times tayo ngayon. Meron tayong pandemya,” giit ni Lacson.

“‘Pag seryoso ang problema, dapat seryoso rin ‘yung mga lider, at seryoso rin ‘yung pananaw ng ating mga kababayan. I hope we succeed in this effort. Unti-unti naman, napapansin namin na talagang sumusunod at nakikinig doon sa mga isyu,” dagdag pa niya.

Muling hinikayat ni Lacson ang mga botante na isiping mabuti ang kanilang kinabukasan sa darating na halalan at huwag ipagbili ang kanilang mga boto. Nakiusap siya sa mga miyembro ng midya na maipaabot sana ang mahalagang mensaheng ito sa publiko.

“Tatanggap ka ng isa, dalawang libo, isang araw lang ‘yun e o dalawang araw. E ang nakataya doon ‘yung susunod na anim na taon ng buhay ng bawat Pilipino. So, ‘yun lang ang maipapakiusap ko sa mga kaibigan natin sa media. Sana mag-ambag sila by educating our people in this regard,” pahayag ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?