By

Pakikipagkita ni Duterte sa OFWs sa HK, hindi pangangampanya – Roque

Sharing is caring!

Itinanggi ng Malacañang na maagang pangangampanya ang layon ng pakikipagkita mamayang gabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong.

Kasunod ito ng ulat na posibleng ianunsiyo ng Pangulo sa Filipino community sa Hong Kong ang mga magiging pambato ng kanyang partidong PDP-Laban sa 2019 elections.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang ibang pakay si Pangulong Duterte kundi ang makipagkita at makumusta ang mga ito.

Tinatayang nasa 220,000 ang mga Filipinong nagtatrabaho sa nabanggit na bansa, karamihan ay domestic helpers o kaya naman ay nagtatrabaho sa mga hotel o restaurant.

Sinabi ni Roque na batid ng publiko na malapit ang Pangulo sa mga OFWs dahil ramdam nito ang sakripisyo ng maraming Pinoy sa ibang bansa para sa kanilang pamilya.

“I don’t think so. Wala pong announcement. Ito ay talagang para sa mga OFW,” ang maiksing sagot ni Roque.

Mula sa Hainan, China ay dumiretso sa Hong Kong ang Presidente noong Martes ng gabi.

Pagkatapos ng kanyang nakatakdang pulong mamayang gabi sa Filipino community ay babalik na si Pangulong Duterte sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?