45

Nov 28, 2017 @ 16:04
By

Pakikialam ng Senado sa impeachment proceedings, binira sa Kamara

Pinatatahimik ng mga lider ng Kamara ang ilang senador sa pagkokomento sa impeachment proceedings laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Pasaring nina Speaker Pantaleon Alvarez at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, tila gusto nang sumali ng mga senador sa proseso ng impeachment ni Sereno.

Pero ayon kay Alvarez nagsisimula pa lamang ng mga pagdinig sa Kamara kaya dapat maghintay ang mga senador.

“Natutuwa naman ako na may mga miyembro na ng Senado na atat na atat nang mag-participate, pero relax muna dadating din tayo diyan,” sabi ni Alvarez.

“Kapagka nakita namin na talaga namang kailangang dalhin sa kanila e iaakyat namin sa kanila, pero kung wala naman talaga after so many hearings, e hanggang dito na lang,” dagdag ng Speaker.

Hindi naman naitago ni Umali ang pagkadismaya sa panghihimasok ng mga senador sa takbo ng impeachment hearing.

Giit ng kongresista, dahil nasa Kamara pa ang proseso, hindi muna dapat nagbibigay ng mga pahayag ang mga senador dahil mistulang kawalan ito ng respeto sa Mababang Kapulungan.

“Naiinip na yata sila at gusto nang sumali dito… you will have your time senator-judges,” pahayag ni Umali. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?