79
magdalo-gary-alejano
Dec 20, 2017 @ 11:35

Paigtingin ang pagbabantay sa demokrasya

By Gary Alejano

Hindi isinasara ni Duterte ang kanyang pintuan na isailalim sa Martial rule ang buong bansa.

Hindi ito malayong mangyari lalo’t ginagamit niya ang ­tila pakikipag-away sa pagitan ng komunistang grupo na kanyang idineklarang mga terorista.

Lalong hindi ito malayong mangyari dahil kontrolado ng Pangulo ang Kongreso.

Nang magdeklara ito ng Martial Law noong Mayo sa buong Mindanao dahil sa grupong Maute, ibinigay ito ng Kongreso.

Nang humirit pa ng ekstensyon ay wala ring kahirap-hirap na naaprubahan sa Kongreso.

Sa ikatlong pagkakataon na humirit ang Pangulo ng isa pang taong ektensyon sa buong Mindanao, hindi na naman siya nahirapan sa Kongreso dahil pinagbigyan ito ng kanyang mga kaalyadong mambabatas.

Ito ay sa kabila ng pagiging saliwa ng ekstensyon ng Martial Law sa Saligang Batas dahil wala namang actual invasion at rebellion na nangyayari.

Isinama sa mga dahilan ang New People’s Army (NPA) kung bakit humirit pa ng isang taong extension ng Martial Law ang Pa­ngulo.

Dito nababahala ang marami dahil hindi lamang sa Min­danao mayroong mga pag-atake ang mga rebeldeng komunista.

Sa pagsama sa NPA sa mga dahilan ng ekstensyon ng Martial Law, maaaring palawigin pa nang palawigin ito sa buong bansa at gamitin na dahilan ang mga pag-atake ng NPA.

Sa kanyang paha­yag sa media matapos ibigay ng Kongreso ang kanyang hirit, hindi raw niya isinasara ang kanyang pintuan na isailalim sa Martial Law ang buong bansa lalo na kapag hiningi ng pagkakataon.

Kaya may mga nagtatanong, sinasadya ba ng NPA at ni Digong ang kanilang away para magkaroon ng dahilan ang Pa­ngulo na matupad ang kanyang masamang ambisyon na muling maglalagay sa dilim sa ating bansa?

Kung mangyayari ito at hilingin sa Kongreso na aprubahan, madali niyang makukuha dahil ang mga dating matingkad na dilaw ay matingkad na pula na ngayon.

‘Yan ay kung mayroon pang Kongreso pagdating ng panahon dahil kapag buong bansa na ang nasa ilalim ng Martial Law, hindi malayong buwagin na ang lahat ng sibilyang institus­yon ng gobyerno.

Ngayon na mismong mga lider at opisyal sa gobyerno ang pilit na sumisira ng demokrasyang pamamalakad, ang responsibilidad na mas lalong magbantay para maproteksyunan ito ay nasa taumbayan.

Ma­ging kritikal at magtanong sa mga nangyayari sa ating bansa. Huli, makilahok at ipahayag ang inyong mga opinyon.

Nawa’y sa mga aktibong mamamayan na may pagpapahalaga sa ating bansa natin makita ang pag-asa na tila wala sa ating mga lider.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?