93
magdalo-gary-alejano
By

Pahirap sa lahat, Lalo sa mahirap

Sharing is caring!

Marami na ang nagpapahayag ng pagkadismaya sa mga anti-poor na polisiya ng administrasyon. Puro pobre na nga ang pinapatay sa giyera kontra ilegal na droga, unti-unti pa ding pinapatay sa gutom ang taumbayan lalo na yung mga walang-wala sa buhay.

Ang pangako at pagsisiguro ng administrasyong Duterte sa TRAIN Law ay makakapaglagay ito umano ng mas progresibo at pantay na sistema ng pagbubuwis. Subalit ang nangyayari ngayon ay negatibong tinatamaan ang lahat, mayaman man o mahirap. Ang mas malala pa ay ang mga mahihirap ang pinakamatinding tinatamaan. Kung sino pa ang hirap ay siya pang mas lalong pinahihirapan.

Naitala na ang inflation rate sa 5.2%. Ito ang pinakamataas na inflation rate sa loob ng nakaraang limang taon. Lagpas na rin ito sa 2% hanggang 4% na itinakda ng administrasyon na paggalaw ng presyo ng mga bilihin mula ngayong 2018 hanggang 2022. Kung sa unang anim na buwan pa lamang ng implementasyon ng TRAIN Law ay ganito na kataas ang inflation rate, paano na lang ang magiging sitwasyon ng ating mga kababayan sa mga susunod pang buwan hanggang apat na taon kung hindi pa makakaramdam ng awa ang administrasyong Duterte? Gaano kalaking hirap pa ang papasanin ng mga pamilyang Pilipino kung hindi susupendihin ang mga mapaminsalang probisyon ng TRAIN.

Ang mga mahihirap ang higit na naaapektuhan dahil ang kakarampot nilang budget dati ay lalong lumiit ang halaga. Halos hindi na makabili ng sapat na pagkain at mga pangangailangan ang marami sa mga mahihirap nating kababayan dahil mula bigas hanggang gulay ay nagtaasan ang presyo.

Hindi pa dito natatapos ang kalbaryo ng mga mamamayan dahil tumaas na ang pasahe sa jeep at inaasahang susunod na na ang ibang transport groups. Idagdag pa ang pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa paghina ng halaga ng piso kontra dolyar at pagtaas ng presyo ng diesel. Sa ganitong takbo, lalong nababaon sa hirap ang sambayanang Pilipino.

Naiiyak na ang mga tao sa hirap pero ang mga pinuno natin ay kampanteng-kampante sa pagsasabi na wala pang dapat ikabahala. Patuloy pa din ang pagdadahilan na hindi TRAIN Law ang sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayung maliwanag na nangyari ang mga biglaang pagtaas ng presyo simula nang ipatupad ang batas noong Enero.

Aanhin ng gobyernong ang bilyong-bilyong buwis na makokolekta kung ang mamamayang pinangakuan ni Pangulong Duterte nang maayos na buhay ay unti-unting dinudurog at pinapatay ng TRAIN Law na ito? Hanggang ngayon, ang mga pinangakong tulong at solusyon ay hindi pa rin naman naibibigay. Isa lang ang masasabi patungkol sa TRAIN ngayon: pahirap sa lahat lalo na sa mahirap.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?