59
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Jan 18, 2018 @ 20:37
By

Pahalagahan ang boses ng tao sa usapin ng Cha-cha

MAINIT na ang usapan sa pulitika. Mula sa mahinahong paliwanagan, kadalasan ay umaabot sa maanghang na palitan ng salita at personalan.

Hindi ligtas sa ganitong “banggaan” ang paksa ng Charter Change (Cha-Cha) para palitan ng federal system ang kasalukuyang presidential system of government na lalong pinag-iinit ng debate ng Constitutional Convention (Con-Con) laban sa Constituent Assembly (Con-Ass) at “voting jointly” laban sa “voting separately.”

Sa mga pahayag na pinadadaan sa media, tila ang magkahiwalay na pagboto ng mga senador at kongresista sa loob ng Con-Ass ang “maingay” sa Mataas na Kapulungan samantalang ang “voting jointly” ang maugong naman sa House of Representatives.

Sumali tayo sa “kiskisan” ng mga opinyon dahil sa ating pananaw, hindi puwedeng hindi pansinin ang isyung ito dahil tungkulin natin bilang halal na opisyal ang isulong ang kapakanan ng mamamayan.

Sumusuporta tayo sa Con-Ass at naniniwala na “voting separately” dapat ang proseso sa loob ng Con-Ass.

Ang paninindigan nating ito ay nakabatay sa dalawang prinsipyo: pagpapahalaga sa mandato at praktikalidad.

Kabilang sa mandatong ibinigay sa atin ng mamamayan ay maging kanilang boses na tuwirang mababalewala kung “voting jointly” ang iiral dahil matatabunan lamang ang boto ng mga senador ng mas maraming kongresista sa loob ng asembliya.

Pangalawa, mas pabor tayo sa Con-Ass sapagkat ito ang mas praktikal na gawin sa ngayon dahil ang Con-Con ay mangangailangan ng malaking pondo dahil kailangang ng eleksiyon sapagkat iboboto ang mga delegado nito.

Bukod dito, made-delay nang matagal ang Cha-Cha dahil hindi naman basta-basta mai-schedule ang eleksiyon, may campaign period pa, at maaaring magkaroon pa ng mga election protest.

Pero palagay natin, ngayon pa lang ay dapat kasali na ang mamamayan sa umiiral na diskusyon at hindi lamang dapat limitado ang palitan ng opinyon sa mga pulitiko.

Con-Ass man o Con-Con, “voting jointly” man o “voting separately”, kinukunsulta dapat ang taumbayan kung ano ang kanilang pananaw dahil kapalaran nila ang nakataya sa Cha-Cha.

Sa prinsipyo ng demokrasya, ang boses ng taumbayan ang mahalaga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?