277

Dec 17, 2017 @ 15:10
By

Pagtiyak sa ligtas na produktong pambata, OK sa Kamara

Pasado na sa Kamara ang panukalang naglalayong ayusin ang pag-aangkat, paggawa, pamamahagi at pagbebenta ng mga produktong pambata na may halong nakalalasong kemikal.

Bago nagbakasyon ang Kongreso, nagkakaisang inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 6702 o ang “Safe and Non-Hazardous Children’s Products Act” na iniakda nina Reps. Gloria Macapagal-Arroyo (Pampanga), Marlyn Primicias-Agabas (Pangasinan), Anthony Bravo (Party-list, COOP NATCCO), at Orestes Salon (Party-list, AGRI).

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon na ng regulasyon sa anumang produkto o materyales na ginagamit ng mga bata. Kabilang dito ang mga laruan, educational kits, school supplies, gadgets at iba pang pambatang gamit.

Inaatasan dito ang Food and Drug Administration (FDA) sa pakikipagtulungan ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (EMB-DENR) na maghanda ng listahan ng hazardous o mapanganib na mga kemikal na ipagbabawal na gamitin sa paggawa ng mga produktong pambata.

Mahigpit namang babantayan ng Bureau of Customs ang pagpasok at pagpapalabas nang lahat ng imported shipment ng mga produktong pambata. Magsasagawa rin ng market inspections ang Department of Trade and Industry (DTI).

Kapag tuluyang naisabatas, ang sinumang lalabag dito ay mahaharap sa parusang pagkakulong na mula isa hanggang sampung taon at multang mula P50,000 hanggang P500,000

Kapag ang nagkasala ay manufacturer, importer o distributor ng produkto, may katapat itong parusang 5 hanggang 10 taong pagkabilanggo at multang mula kalahating milyong piso hanggang 5 milyong piso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?