124

Jan 15, 2020 @ 12:41
By

Pagtira sa Taal Volcano ipagbabawal na

Haharangan na ng gobyerno ang pagbalik at paninirahan ng mga residente sa isla ng Bulkang Taal, kasunod ng pag-aalburoto nito na nagpalikas sa libu-libong Pinoy.

Ito umano ang inaprubang mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Martes ng gabi.

“You (Duterte) have approved a recommendation a while ago, I believe that we should, I strongly believe, recommend that we strictly implement the suggestion or the recommendation that Taal Island will be declared “no man’s land”,” ani Lorenzana sa isang situation briefing tungkol sa pagsabog ng Taal Volcano, Enero 14.

“Pagka babalik yung tao dun, if there will be another explosion or violent, I think all people will perish on the island,” wika pa niya.

Batay sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, Enero 14, nasa 30,423 katao o 6,891 pamilya mula sa Cavite at Batangas ang apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng naturang bulkan.

Nasa 18,187 indibidwal o 4175 pamilya naman ang kasalukuyang nasa 118 evacuation center, karamihan ay mga residente ng Talisay at San Nicolas sa lalawigan ng Batangas na isinailalim na sa state of calamity dahil sa pagsabog ng bulkan.

Pang-apat na araw nang nasa alert level 4 ang Taal Volcano ngayong Miyerkoles, at inaasahan ang mapaminsalang pagsabog sa loob lang ng ilang oras o araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?