39

Sep 20, 2019 @ 15:31
By

Warrantless arrest suspension, ‘di extension sa ultimatum ni Digong – Malacañang

Walang palugit na ibinigay sa 15-araw na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang mga nakalayang preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ito ang nilinaw ng Malacañang kasunod ng utos ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) na huwag munang ipatupad ang warrantless arrest sa mga hindi sumukong mga preso matapos ang itinakdang deadline.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na bina-validate ng DOJ ang listahang ibinigay sa kanila para matiyak na hindi magkamali ang mga awtoridad sa mga gagawing pag-aresto.

“In the meantime, pina-finalize lamang nila ‘yung sino ‘yung disqualified talaga under the GCTA, and then pag na-finalized na ‘yung listahan then the PNP will already effect those warrantless arrest,” ani Nograles.

Inaasahang sa susunod na linggo aniya ay magiging malinaw na kung sino talaga ang hahabulin ng PNP.

Batay sa report, naging magulo ang listahan na isinumite ng Bureau of Corrections sa DOJ at PNP sa mga pangalan ng mga convict na target ng arrest operations dahil napasama ang pangalan ng mga bilanggo na napalaya sa pamamagitan ng pardon, parole o executive clemency samantalang ang sakop ng ultimatum ay mga convict na napalaya sa pamamagitan ng GCTA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?