By

Pagtibag sa illegal settlers sa gilid ng ferry station, napurnada

Sharing is caring!

Hindi natuloy ang nakatakda sanang pagtibag ng pinagsamang-puwersa ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at Local Inter-Agency Committee (LIAC) ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga iligal na naninirahan sa kahabaan ng Pasig River sa Lawton.

Dapat sana ay si PRRC Executive Director Jose Antonio Gotia ang sasaksi sa pagbaklas ng mga barung-barong na kinabibilangan ng 25 illegal occupants.

Pero hiniling ng illegal settlers na bigyan muna sila ng relokasyon ng lokal na pamahalaan bago sila tuluyang paalisin sa lugar.

Iginiit ng PRRC na iligal ang mga istrukturang nakatayo sa ferry station linear park sa Lawton kaya dapat na silang paalisin.

Ayon sa PRRC, hindi rin umano kuwalipikado para sa relokasyon ang mga kasalukuyang umookupa sa gilid ng Lawton ferry station dahil dati nang nai-relocate ang mga nakatira rito.

Noong 2007, nabawi ng PRRC ang pampang ng Pasig River sa kahabaan ng Lawton at ginawa nila itong environmental preservation area.

Ito ay para bigyang-daan ang pagpapatayo ng linear park at konstruksiyon ng Quezon Bridge ferry station.

Ang PRRC ay siyang ahensiya sa ilalim ng Office Of the President na may mandatong kontrolin ang polusyon sa Pasig River upang mabuhay muli ito at mapakinabangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?