189

Dec 10, 2017 @ 17:03
By

Pagtestigo ng 4 na SC justices, bahagi ng ‘ouster plot’ kay Sereno

Inihayag ng isang pro-good governance group na ang pagpunta ng apat ng Supreme Court justice sa impeachment hearing laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay bahagi ng “lutong Macau” na inihanda ni House Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa pansariling interest at ganti kay Sereno.

“Mismong mga taga-Kongreso kabilang ang mga miyembro ng House justice committee ang nagsabing niluluto na ang impeachment case laban kay Sereno,” ayon kay Ben Cyrus Ellorin, convenor ng Pinoy Aksiyon for Governance and Environment.

Kasama sa mga “sahog” sa impeachment hearing ay ang mga taong inimbitahan upang tumestigo laban kay Sereno, wika ng grupo.

Tumestigo na si Associate Justice Teresita de Castro at susunod naman sina Associate Justices Noel Tijam at Francis Jardeleza, at dating Associate Justice Arturo Brion ngayong araw.

Ayon kay Ellorin, kapag sinuri ang rekord ng apat na SC justices, makikita na sila ay kulang sa integridad na nagpapatunay sa pagkakakilala ng publiko sa judiciary na ang hustisya ay naipagbibili at ang mga huwes ay hindi nagtatrabaho para sa bayan.

Aniya, si De Castro ay inakusahan ng World Bank sa maling paggamit ng US$199,000 mula sa $21 million na ipinahiram ng organisasyon sa Supreme Court. Bumoto din si De Castro pabro sa pagdismis ng plunder case laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Estrada.

Dagdag pa ng grupo, si Tijam ay appointee at malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte samantalang si Jardelez ang pinakamayamang miyembro ng Supreme Court at ang kanyang net worth ay doble kumpara sa susunod na pinakamayamang SC justice.

Binatikos din ng grupo si Brion, na nagsilbing undersecretary sa Department of Labor and Employment, sa pagbaliktad sa pro-labor decision sa kaso ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines at Philippine Airlines case nang sumulat ang abugado ng PAL sa SC.

Sina De Castro, Brion at Jardeleza ay lahat bumoto pabor upang idismis ang kasong plunder laban kay Macapagal-Arroyo.

“Ang apat na ito ay nagpakita na ang kanilang katapatan ay hindi sa batas. Sila ay gumagalaw kasama ang mga tao nina Arroyo at Duterte,” wika ng grupo.

Malaki ang indikasyon na ang tao sa likod ng impeachment hearing ay si House Speaker Alvarez, dagdag ni Ellorin.

Aniya, sinabi ni Alvarez noong isang linggo na ang House committee ay may sapat nang ebidensiya maski na napatunayan na si Larry Gadon ay walang personal na kaalaman o dokumento upang suportahan ang kanyang mga alegasyon.

Dagdag ng grupo, sina Sereno at Alvarez ay kapwa naging bahagi ng kaso tungkol sa NAIA 3 at Philippine International Air Terminals Company (PIATCO) case. Si Sereno ang prosecutor na gobyerno noon.

Ayon sa grupo, ginamit ni Alvarez ang kanyang mga posisyon bilang Manila International Airport Authority assistant manager at Department of Transport and Communications secretary sa pamamagitan ng “illicitly funneled millions of pesos into his and his friends’ pockets while building the Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.”
“This was done through making under-the-table deals, bloating declared budget, and sub-sub-contracting the construction firm owned by his wife. PIATCO had to pay back the government millions of dollars in compensation,” ayon sa grupo.

Noong 2015, sa kasong Republic of the Philippines v. Mupas case, si Justice Brion ang sumulat ng desisyon at bumoto pabor sa pagbayad ng gobyerno ng $326 million sa PIATCO bilang kapalit ng pag-takeover ng NAIA 3. Bumuto rin si Justice De Castro pabor dito.

“One should remember that Alvarez was the first person to go public calling for Sereno’s impeachment, as early as July. Alvarez is obviously one of those doing the cooking, and he, the testifying SC employees, and many members of the supermajority Congress move in the same circles and serve the same patrons. Now they’re all cooking the same impeachment case. For Alvarez, revenge is a dish best served cold,” dagdag ni Ellorin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?