14

Jan 11, 2022 @ 14:32
By

Pagtatayo ng sawmill sa mga lugar na binagyo aprub kay Duterte

Nagbigay ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte para magtayo ng mini sawmill sa mga lugar na matinding nasalanta ng bagyong Odette, katulad ng Siargao.

Sa kanyang Talk to the People, inireport ni Defense Secretary Delfin Lorenza sa Pangulo na nakatengga ang mga ipinadalang engineering battalion sa Siargao, pati na rin ang mga karpintero ng TESDA dahil walang magamit na materyal ang mga ito para magtayo ng mga bahay para sa mga biktima ng bagyo.

Iminungkahi ni Lorenzana sa Pangulo na magtayo ng mini sawmill sa Siargao para matistis at magamit na materyales ang mga natumbang punong kahoy at mga puno ng niyog.

“Ang aking suggestion is magtayo sila ng mini sawmill para magawa nilang lumber yung mga natumbang mga kahoy at saka mga coconuts. Kung mano-mano ang paggawa ay matagal,” ani Lorenzana.

Agad namang kinatigan ng Pangulo ang mungkahi ni Lorenzana at tiniyak na magbibigay ito ng pondo para may magastos sa pagpapatayo ng mini sawmill.

“If you can give me the specifics by next week, just start a memo. Maghahanap ako sa ano, I’ll provide the money,” anang Pangulo.

Nakahanda aniya ang gobyerno na gamitin ang pera para sa mga tao kaysa nakawin lamang ito ng mga tiwali sa pamahalaan.

“Ubusin natin yang pera sa tao. Ibigay natin kaysa nakawin lang dito sa mga… ,” dagdag ng Pangulo.

Kasabay nito inatasan ng Presidente si Lorenzana na hanapin ang mga illegal na nag-ooperate ng sawmill at hulihin ang mga ito.

“Hulihin mo na lang pati yung nag-ooperate, pati yung may-ari ng sawmill kasi iyon ang ipadugo natin sa mga — gawain nating padugo doon sa mga –ulo nila doon sa mga sawmill na maibigay natin,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?