18

Nov 17, 2021 @ 15:17
By

Pagtatayo ng panrehiyong kulungan nationwide tinulugan

Pinuna ng ilang senador ang mabagal na pag-aksiyon ng ehekutibo sa panukalang pagtatayo ng mga penal colony sa iba’t ibang rehiyon sa bansa nang sa gayon ay mapaluwag ang New Bilibid Prison (NBP) at madaling madalaw ang mga preso ng kani-kanilang pamilya.

Sa deliberasyon ng panukalang badyet ng Department of Justice (DOJ), sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ang panukalang i-regionalize ang mga penal colony sa bansa ay base sa pag-aaral na ginawa ni Senate Minority Franklin Drilon, noong kalihim pa ito ng DOJ.

“The study says that the PDLs start to become unruly at nagloloko kapag hindi na nadadalaw ng pamilya,” sabi ni Sotto.

“Eh paano dadalawin sa Muntinlupa kung taga-Sultan Kudarat, kung taga-Negros, o taga-Basilan? Paano dadalawin? Baka once a year hindi madalaw, kaya nagloloko,” dugtong pa nito.

“I don’t see a reason why we can’t do this. No political will on the part of executive department? Because the idea does not come from them?” dagdag pa ng vice presidential aspirant.

Sinabi naman ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee at nagdedepensa sa badyet ng DOJ, pabor naman umano si Justice Secretary Menardo Guevarra sa panukalang magkaroon ng regional penal colony subalit nasa desisyon pa rin umano ito ng tanggapan ng Pangulo.

“Meaning it’s the President who should make that decision given the magnitude of the decision,” ayon kay Angara.

Sa panig naman ni Drilon, may lokasyon na aniyag napili para mapagtayuan ng mga regional detention facility sa Luzon, Visayas at Mindanao.

“I don’t think we need a law for that. It’s a question of — like what the Senate President said — political will,” sabi ni Drilon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?