15

Oct 13, 2021 @ 16:23
By

Pagtatayo ng health facilities unang hakbang sa economic recovery ng tourism sector

Hinikayat ni Senadora Grace Poe ang Department of Tourism na tiyaking may health facilities na ayon sa standards sa mga tourist destination upang maging kampante ang mga tao sa kanilang kaligtasan sa pagbiyahe.

“Sa lahat ng panig ng bansa, dapat namang mayroong health facilities na makatutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan,” pahayag ni Poe sa hearing ng Senate committee on tourism nitong Martes.

“Nakita na nating may mga turistang nagtungo sa mga lugar na ‘di makayang bigyan ng paunang-lunas ng health center doon,” dagdag nito

Bago tumama ang COVID-19 pandemic , sinabi ni Poe na nasa P2.5 trilyon ang kontribusyon ng turismo sa ekonomiya noong 2019.

Dahil sa pandemya at pagsasara ng mga resort at hotel at mga travel restriction, nabawasan ng 61 porsiyento o bumaba sa P973.3 bilyon ang kontribusyon nito sa pagtatapos ng 2020.

“Ang sektor ng turismo ang isa sa haligi ng ekonomiya bago ang pandemya. Sa pagdami ng mga nababakunahan kontra COVID-19, inaasahan nating madadagdagan ang bumibiyahe na muling magpapasigla sa ekonomiya ng mga probinsiya,” sabi ng senadora.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority, gumastos ang mga Pilipino ng P3.14 trilyon noong 2019 sa pagbisita sa mga local destination subalit bumaba sa P556.89 bilyon noong nakaraang taon dahil sa pagsasara ng maraming tourist destinations.

Sa talaan naman ng Department of Health, umaabot na sa 26.7 milyong indibidwal ang nabigyan ng first dose ng bakuna kontra COVID-19 habang 23 milyon ang fully vaccinated.

“Dahil sa new normal, kinakailangang bumalangkas ang gobyerno ng pandemic health protocols sa lahat ng aspeto ng ekonomiya sa mga susunod na taon, kaya mas mahalagang bahagi ng turismo ang mga health facility ngayon higit kailanman,”ayon kay Poe.

Una nang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2321 na nagsusulong amyendahan ang “COVID-19 Vaccination Program Act” o Republic Act 11525 upang maisama ang international at domestic travel, mas maluwag na access sa business establishments at public places upang mapalakas ang ekonomiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?