126

Apr 2, 2019 @ 12:12
By

Pagtatatag ng Department of Water, tinalakay sa cabinet meeting

Nasentro sa isyu ng tubig ang pulong ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na tinalakay sa cabinet meeting ang pagbuo ng Department of Water at Department of Disaster Resilience matapos makaranas ng krisis sa suplay ng tubig ang ilang lugar sa Metro Manila noong nakalipas na linggo.

Ayon kay Panelo, natalakay sa pulong ang posibleng epekto ng kakapusan ng suplay ng tubig at El Niño o tagtuyot.

Inilatag sa mga miyembro ng gabinete ang road map para sa agarang aksiyon, pati na ang medium at long term na mga hakbangin para hindi umabot sa mas matinding problema ang krisis sa supply ng tubig.

Ilalarga rin aniya ang pinaigting na kampanya para sa pagtitipid ng tubig at enerhiya lalo na ngayong panahon ng tag-init.

“A roadmap was presented,which included immediate, medium and long term interventions, such as making an intensive campaign for the conservation of water and energy,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na ikakasa rin ang dredging ng mga waterways at pagpapalit ng mga tunnel at aqueducts at paglalagay ng water tank systems sa lahat ng mga government hospitals.

Sinabi pa ni Panelo na maglalaan din ng pondo ang gobyerno para sa mga itatayong water treatment plants sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?