493

Pagtapos sa peace talks, kunwari lang – Alejano

Sharing is caring!

Duda si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na tuluyan na talagang tinapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay Alejano, nakatanggap siya ng impormasyon na sa kabila ng pagpapatigil ng Pangulo sa usaping pangkapayapaan at pagdedeklarang terorista ang NPA ay nagpapatuloy pa rin ang back door negotiations.

Sa katunayan, resulta aniya ng backdoor negotiations ang nakatakdang pagpirma sa ilang mga kasunduan sa pagitan ng CPP-NPA-NDF at ng pamahalaan sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), General Amnesty of the Political Prisoners, at Agreement on Coordinated Unilateral Ceasefire.

“It is puzzling that while President Duterte is lambasting the CPP-NPA in public, back door negotiations with the NDF continue,” ayon kay Alejano.

Naniniwala si Alejano na ginagamit lamang ni Pangulong Duterte ang NPA para sa pagdedeklara nito ng revolutionary government.

Ito’y dahil maaaring mauwi sa marami pang pag-atake ang deklarasyon ng Presidente na terorista ang NPA, na magbibigay-katuwiran naman sa naisin nitong maipatupad ang revolutionary government.

Mahirap din aniyang paniwalaan na talagang sinsero ang pagtigil sa peace talks sa NPA dahil nakaupo pa rin ang ilang mga komunista sa gobyerno.

“Parang hinahayaan mo pang manatili sa sarili mong tahanan ang sinasabi mong mga teroristang kaaway,” puna ni Alejano. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?