67
taxi
May 6, 2018 @ 17:14
By

Pagtanggi ng TNVS, taxi drivers sa pasahero, gustong gawing krimen

Pinag-aaralan ng House committee on transportation ang panukala na gawing krimen ang pagkansela ng mga driver sa bookings ng mga pasahero ng transport network vehicle services (TNVS) gaya ng Grab gayundin ang pagtanggi ng mga taxi driver na magsakay ng pasahero sa kahit saang destinasyon.

Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, vice chairman ng komite, kasama ito sa kanilang pag-uusapan sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa mga panukalang batas na naglalayong i-regulate ang TNVS.

“Rest assured that we are going to work on this to protect the riding public. At the end of the day, this will help instill discipline,” sabi ni Sarmiento.

Una rito, sinuspinde ng Grab Philippines ang may 500 nilang partner-drivers dahil sa kanselasyon ng bookings ng mga pasahero.

Para kay Quezon City Rep. Winston Castelo, maganda ang naging hakbang na ito ng Grab para mabigyan ng proteksyon ang publiko at maging transparent ang organizational regulation ng kumpanya.

“Passengers should also be responsible by observing reasonable and valid booking cancellations,” ani Castelo.

Pero sa naunang pahayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, hindi lang anya dapat suspensiyon ang ipinataw sa pasaway na Grab drivers kundi kasuhan rin ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?