38

Aug 30, 2019 @ 16:15
By

Pagtanggap sa sorry ng Chinese fishermen, bahala ang mga Pilipinong mangingisda – Panelo

Hindi ang gobyerno kundi ang mga Pilipinong mangingisda ang dapat na magpasya kung tatanggapin o hindi ang paghingi ng dispensa ng operator ng Chinese boat na bumangga sa kanila sa Recto Bank.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na hindi tinatanggap ng gobyerno ang apology na inilabas ng samahan ng Chinese fishing groups.

Sinabi ni Panelo na nag-usap na sila ni Pangulong Rodrigo Duterte at sumang-ayon aniya ito sa paghingi ng dispensa at pag-ako ng responsibilidad ng operator ng Chinese vessel.

Sa ginanap na bilateral meeting ng Pangulo at ni President Xi Jinping noong Huwebes ng gabi ay ipinaabot ng Presidente ang pasasalamat sa pag-ako ng Chinese fishermen sa kanilang ginawang aksiyon noong Hunyo 9 sa Recto Bank.

Nilinaw ni Panelo na hindi si Pangulong Duterte ang tumanggap ng apology sa naganap na insidente.

“Doon tayo lang naman we appreciate the fact that they apologized. Hindi natin sinasabing tinanggap. Hindi naman tayo ang tatanggap, siyempre ‘yung fishermen talaga. But we appreciate the fact na nag-a-apologize sila. Kasi hindi ba ang reaction natin, iniwan n’yo ang mga kasama natin doon,” ani Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na marahil hindi pa batid ni Locsin ang naging reaksiyon ng Pangulo bago inilabas ang tweet nito kaya nakapagbitaw ng maaanghang na mensahe.

“First, baka hindi alam ni Secretary Locsin na ok na kay Presidente. Pangalawa, ‘yung Twitter niya parang sinasabi na hindi naman ako ang fishermen eh, ba’t naman ako ang tatanggap ng apology. I think baka ‘yun ang content ng tweet niya. Hindi pa kami nag-usap ni Locsin,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?