252

Nov 30, 2017 @ 14:52

Pagtakas ng akusado sa P6.4B shabu shipment, naharang sa Clark

Nasabat sa Clark International Airport ang isa sa mga akusado sa pagpasok sa bansa ng P6.4 billion na halaga ng shabu shipment.

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na si Richard Tan alyas Chen Ju Long na nasa ilalim ng immigration lookout bulletin ay naharang sa paliparan kaninang alas-tres ng madaling araw.

Aalis sana si Tan patungo ng Shanghai Pudong sakay ng China Eastern Air Flight 5046.

Sinabi ni BI Spokesperson Atty. Antonette Mangrobang na hindi nila pinayagan na makasakay ng eroplano si Tan at pinayuhan ito na kumuha sa Department of Justice ng allow departure order.

Si Tan ay kasama sa siyam na indibidwal na kinasuhan ng DOJ sa korte ng kasong paglabag sa Section 4, in relation to Section 26 (a) ng RA 9165 na tumutukoy sa importation of dangerous drugs dahil sa shabu shipment.

Si Tan ay Chairman ng Hongfei Logistics Group of Companies at may-ari ng Valenzuela warehouse kung saan nasamsam ang 604 kilo ng shabu shipment mula sa China. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?