25

Nov 24, 2021 @ 16:18
By

Pagtaas sa edad na sakop ng statutory rape pasado sa bicam

Inaprubahan ng Bicameral Conference Committee ang panukala na magtataas sa edad na saklaw ng statutory rape mula bago mag-12-anyos ay gagawin na itong bago mag-16 taong gulang.

Sinabi ito ni House Assistant Minority Leader at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa media kasabay ng paglalarawan sa pangyayaring ito na isang “historical advance” sa krusada ng pagtataguyod sa karapatan ng mga kababaihan at bata.

“This is one big leap for Filipino children’s rights, as the Philippines will no longer be the country with the lowest age of statutory rape in Asia. Finally, the decades-old loophole in the law will be addressed, and we are one step away from adhering to our commitments to international conventions on women and children’s rights,” sabi ni Brosas.

Sinabi ni Brosas na nagkataon din na nangyari ang pag-apruba sa panukala sa buwan kung kailan ipinagdiriwang ang Children’s month at sa bisperas ng International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW).

Sa ilalim ng panukala, ituturing na statutory rape ang pakikipagtalik ng isang indibidwal sa wala pa sa edad na 16-anyos kahit pa gusto niya itong gawin.

Sa kasalukuyang batas, kakasuhan ng statutory rape ang isang indibidwal na nakipagtalik sa wala pang 12-anyos. Ang parusa sa rape ay reclusion perpetua o hindi bababa sa 30 taong pagkakakulong.

Sinabi ni Brosas na patuloy na itutulak ng Gabriela ang mga amyenda sa Anti-Rape law upang mas lalo itong mapalakas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?