97

Apr 26, 2020 @ 14:21
By

Pagsusuri sa mental health ng mga sundalo, ipinag-utos ng PH Army matapos ang pagkamatay ni Ragos

Matapos ang insidente kay retired soldier Corporal Winston Ragos, ipinag-uutos ngayon ni Philippine Army commanding general Lieutenant General Gilbert Gapay na suriin ang mental health ng mga sundalo.

“Ang utos ng ating commanding general ay hanapin pa ang mga katulad ni Corporal Ragos at bigyan ng pansin at tulungan,” sambit ni Army Public Affairs Office chief Colonel Ramon Zagala sa panayam nito sa DZBB Super Radyo nitong Linggo.

Ibinahagi rin ni Zagala na nais ni Gapay na bisitahin ang trauma risk management ng kanilang organization.

“Pati na ‘yung programa namin within the organization na tumitingin sa mga nangyayaring post-traumatic stress disorder (PTSD), pinapa-review. Katulad ng aming pagtugon sa trauma risk management,” dagdag pa ni Zagala.

Matatandaan na binawian ng buhay si Ragos matapos ang engkwentro sa kapulisan noong Abril 21.

Ayon sa kapatid ni Ragos, dumaranas ito ng schizophrenia at post-traumatic stress disorder.

Ipinag-utos rin umano ni Gapay ang investigation sa pagkamatay ni Ragos na pangangasiwaan ng Army Judge Advocate katuwang ang Philippine National Police at assistance mula sa National Bureau of Investigation.

Saad pa ni Zagala, “We don’t want to create any animosity with PNP, but we desire only is what is fair and what is the truth,”

Nitong Linggo, nabigyan ng military honors si Ragos at hinimlay sa Libingan ng mga Bayani.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?