53

Jan 6, 2019 @ 15:47
By

Pagsuspinde sa dagdag buwis sa petrolyo, padaliin – Gatchalian

Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na gawin nang mas madali ang pagsuspinde sa pagpapataw ng excise tax o buwis sa pag-aangkat ng petrolyo kapag tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Iminungkahi nito na burahin sa batas ang probisyon na nagsasabing maaring itigil ang dagdag na excise tax sa petrolyo kapag umabot ang presyo nito sa $80 bawat bariles.

Diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, hindi dapat ipako sa nasabing halaga ang batayan ng pagpapatigil o pagpapatuloy ng buwis dahil maraming dapat ikonsidera para hindi mabigatan ang publiko sa presyo ng petrolyo.

“Isa sa proposal natin ay tanggalin na ang $80 dollars na threshold para may flexibility ang pamahalaan to suspend the taxes if the need arises,” sabi ni Gatchalian sa panayam ng Super Radyo DZBB.

“Huwag na nating hintayin ang $80. Kapag hinintay natin ang $80, marami na ang umaaray,” dagdag nito.

Iminungkahi rin na itakda sa batas ang mas mabilis na pulong at desisyon ng mga economic manager para sa suspensyon ng buwis.

Liksyon umano ito mula sa nangyari noong 2018 kung kailan tumaas ang presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin pero hindi naipasuspinde ang dagdag na buwis sa petrolyo dahil hindi umabot sa $80 kada bariles na inaangkat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?