47

Dec 23, 2017 @ 16:28
By

Pagsunod sa firecracker ban, ipinaalala ng Palasyo ngayong holiday season

Pinaalalahanan ng Malacañang ang publiko na mahigpit na sundin ang firecracker ban sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, may pinirmahang direktiba ang Pangulo noong nakalipas na taon laban sa paggamit ng paputok.

Bawal na aniya ang magpaputok sa bahay at kailangang gawin ito sa isang itinalagang lugar sa barangay.

Batay sa obserbasyon ng kalihim, nabawasan na ang ingay ngayon ng mga nagpapaputok sa Metro Manila.

“Ang unang mararamdaman mo talaga ngayong season na ito iyong pinirmahan ni Presidente patungkol sa firecrackers…na mga sanay tayo dito sa Metro Manila na napakausok. Naku kapag New Year parang hindi ka makahinga. Eh siyempre mayroong pinirmahan si Presidente na isang polisiya na bawal na ang pagpapaputok sa sarili mong tahanan,” ang pahayag ni Andanar.

Malaking bagay aniya na mabawasan ang usok na nakakadagdag sa air pollution at mababawasan ang mga nagkakasakit at naaapektuhan ang mga baga.

Sa Davao City ay total ban ang mga paputok batay na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte at sa Samal Island ginagawa ang fireworks display.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?